LEGAZPI CITY – Napatunayang totoo ang ulat ng ilang concerned citizen sa sinasabing cracks sa runway ng hindi pa man nabubuksan na Bicol International Airport sa Brgy. Alobo, Daraga, Albay.
Ito ay kasunod ng on-site inspection ng Technical Working Group na mula sa Office of the Presidential Assistant on Bicol Affairs (OPABA).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OPABA Usec. Marvel Clavecilla, nagsumite na ng inisyal na report na may kasama pang mga larawan ang team na nagkukumpirma ng cracks.
Nakita rin ang higit sa 20 linear cracks sa iba’t ibang section sa kabuuan ng runway.
Isusunod na umano ng tanggapan ang ‘boring’ o pagbutas sa ilang bitak upang matukoy kung gaano kalalim ang mga ito.
Pangunahing ipinangangamba ng opisyal ang posibleng impact sa runway sakaling lumapag ang mabigat na aircraft na posibleng magdulot ng aksidente.
Anumang mabatid sa follow-up inspection ay ipapaabot sa Department of Transportation (DOTr) para sa aksyon habang kung may probable cause, iaakyat na sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Tiyak rin aniyang pagpapaliwanagin ang dalawang contractor ng airport.
Noong nakaraang linggo ng dumating sa Albay ang team upang magsagawa ng on-site inspection sa sinasabing isyu sa paliparan.
Inaasahang magiging operational na ang nasabing paliparan sa pagdating ng November 2020.