-- Advertisements --
Screenshot 2019 04 24 12 56 07
IMAGE | Damaged ceilings Clark International Airport’s departure check-in area/Christian Yosores

Ipinupursige ngayon ng Phivolcs na paiigtingin pa ang pagpapatupad ng Building Code sa mga lugar na tinukoy nilang lantad sa liquefaction o paglambot ng lupa sa panahon ng lindol.

Kasunod ito ng magguho ng Chuzon supermarket sa Porac, Pampanga at iba pang istraktura kung saan pumalo na sa mahigit 20 ang patay at marami ang sugatan.

Ayon kay Phivolcs Dir. Renato Solidum, matagal na silang naglabas ng mapa na tumutukoy sa mga lugar na lantad sa liquefaction, ngunit hindi iyon gaanong binibigyang pansin ng ilan.

Partikular na lantad sa ganitong pangyayari ang malalapit sa dagat, ilog at mga lugar na natabunan ng lahar.

Ayon kay Engr. Frederick Sison, director ng Philippine Institute of Civil Engineers, bagama’t hindi maiiwasan ang lindol, pero mas mapapatibay umano ang mga gusali kung batid na ito ay nasa mapanganib na lugar.

Paliwanag ni Sison, normal lamang na magkaroon ng bitak ang istraktura kung talagang malakas ang pagyanig, ngunit hindi katanggap-tanggap ang pagguho dahil indikasyon iyon ng mahinang pagkakagawa.