Kumitil na ng 31 katao ang pag-hijack ng militanteng grupo sa isang tren sa Pakistan.
Kabilang sa mga nasawi ay 23 sundalo, 3 railway employee at 4 pasahero.
Sa inilabas na statement ng separatist Baloch Liberation Army na umako ng reponsibilidad sa pag-atake, sinabi ng grupo na nakatakas ang kanilang fighters kasama ang 214 pang bihag subalit kanila na umanong in-execute ang lahat ng mga ito nang walang ibinibigay na anumang ebidensiya para patunayan ito.
Una rito, sinalakay ng mga militante ang Jaffar Express sa remote mountain pass sa Balochistan province, pinasabog ang mga riles ng tren sa pag-atake saka binihag ang mga pasahero sa isang araw na standoff.
Ayon kay Army spokesperson Ahmed Sharif Chaudhry, napatay ng mga sundalo ang 33 insurgents at nasagip ang 354 na mga bihag. Wala naman aniyang indikasyon na may kinuhang ibang bihag ang grupo mula sa pinangyarihan ng krimen.
Ibinunyag naman ng Army official na may ebidensiyang sinusuportahan ng India at Afghanistan ang naturang mga insurgent, bagay na kapwa naman itinanggi ng 2 bansa.
Ang Baloch Liberation Army ay ang pinakamalaki at pinakamalakas mula sa mga katutubong Baloch insurgent groups na ilang dekada ng nakikipaglaban para makamit ang kasarinlan ng Balochistan province na mayaman sa mineral at tahanan para sa malalaking proyektong pinapangunahan ng China kabilang ang pantalan at minahan ng ginto at tanso.