Pinapayuhang maghanda ang limang bayan sa hilagang Cebu para sa posibleng storm surge na dala ng Bagyong Ursula.
Kabilang dito ang bayan ng Santa Fe, Madridejos, Bantayan, Daanbantayan at Medellin.
Maaari umanong maka-sanhi ng katamtaman hanggang sa makabuluhang pinsala sa mga struktura malapit sa baybayin lalo na ang mga gawa sa light materials.
Maari ding umabot ng isa hanggang dalawang metro ang taas ng storm surge, paalala pa ng weather specialist ng PAG-ASA Mactan.
Kanina lang alas 2 ng hapon, isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 3 ang nasabing mga lugar.
Itinaas din sa signal number 3 sa Masbate kabilang ang Ticao Island, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Biliran at Leyte.Habang signal number 2 din sa gitnang bahagi ng hilagang Cebu (Bogo City, Tabogon, Tabuelan, Borbon), ang katimugang bahagi ng Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Island, Romblon, Albay, Sorsogon, Burias Island, Calamian at Cuyo Islands, northestern Iloilo, hilagang Antique, Capiz, Aklan, Southern Leyte at hilagang Negros Occidental, at Dinagat Islands.
Nasa ilalim naman ng storm signal number 1 ang natitirang bahagi ng Cebu, Bohol, Siquijor, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Oriental at Negros Occidental.
Kanina lang pasado alas 4:45 ng hapon, nakagawa ng unang landfall ang bagyo sa Salcedo, Eastern Samar.
Sa ngayon, kasalukuyang nasa 20 kilometro silangan hilagang-silangan ng Guiuan, Eastern Samar na may taglay na bilis 25 kilometro bawat oras (kph) at inaasahang tatawid sa Gitnang Kabisayaan ngayong bisperas ng Pasko na may pinakamataas na matagal na hangin na 120 kph at pagbugso hanggang sa 150 kph .