Tanggap na rin ng marami pang kandidato sa ilalim ng Otso Diretso coalition slate ang kanilang pagkatalo sa 2019 senatorial slate kahit hindi pa tapos ang bilangan sa mga balota.
Nitong araw lang ay nag-concede na sina dating Solicitor General Florin Hilbay, dating congressman Erin Tañada at Marawi civic leader Samira Gutoc matapos na makapuwesto sa 29th, 25th, at 27th rank sa senatorial race ayon sa latest partial at unofficial tally batay sa Comelec transparency server.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Gutoc na “mix feelings” ang kanyang nararamdaman sa kanyang pag-concede sa senatorial race.
Pero lubos naman ang kanyang pasasalamat sa mga taong bumoto sa kanya, na nagsilbi rin daw bilang kanyang inspirasyon para tumuloy at muling lumaban para sa kapakanan ng mamamayan.
“Hindi po dito natatapos ang laban,” ani Gutoc.
Binati naman ni Hilbay ang mga nanalo sa halalan, at iginiit na nirerespeto niya ang naging pasya ng taumbayan.
Bagamat hindi raw ito ang resulta na kanilang inaasahan, ito naman daw ang reality na kailangan nilang kaharapin.