Hindi pa rin pinagbigyan ni US President Joe Biden ang kahilingan ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na pagpapatupad ng no-fly zone sa papawirin ng Ukraine o pagpapadala ng mga fighter jets bilang armas sa paglaban nito sa Russia.
Sa kanyang naging talumpati, inihayag ni Biden na sa kabila nito ay magpapaabot pa rin ang Estados Unidos ng tulong para sa Ukraine sa pamamagitan ng karagdagang $800 million para sa seguridad nito.
Namahagi din ng military assistance si Amerika kabilang na ang mga anti-tank missiles, at maraming pangdepensang armas, Javelin anti-tank at Stinger anti-aircraft missiles.
Ang naturang mga kagamitan ay direct transfer daw mula mismo sa Department of Defense ng US patungo sa Ukrainian military upang tulungan ang mga ito na lumaban kontra sa pagsalakay ng Russia.
Dagdag pa ni Biden, isasama rin sa naturang tulong ang mga drone na simbolo aniya ng pangako ng US na pagpapadala ng cutting edge system sa Ukraine para defense nito.
Sa pangunguna aniya ng Amerika kasama ang iba pang kaalyado nito ay magbibigay ng isang malaking antas ng seguridad at humanitarian assistance para sa nasabing bansa, at magpapatuloy pa aniya ito sa mga susunod na araw at linggo.
Samantala, una rito ay muling matapang na humarap si Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa US Congress upang umapela pa ng karagdagang tulong para pigilan ang lumalalang digmaan na nagaganap ngayon sa kanilang bansa.
Hiling din niya sa Amerika na higit pang magsagawa ng mga hakbang tulad ng pagpapataw pa ng kaparusahan sa lahat ng Russian politician na nananatili pa rin sa
Kasabay ng kanyang talumpati ay ibinahagi rin ni Zelensky ang mga graphic video na nagpapakita ng mga kalunus-lunos na mga kaganapan doon tulad ng pagsabog ng mga gusali at mga batang wala ng buhay dahil pa rin sa nangyayaring digmaan doon.
Iminungkahi rin ng presidente ang paglikha ng isang asosasyon ng mga responsableng bansa na may lakas at kamalayan upang agad na ihinto ang naturang kaguluhan sa kanilang bansa.
Samantala, sa pagtatapos naman ng kanyang talumpati ay sinabi ni Ukraine President Zelensky na ang pagiging pinuno ng mundo ay pagiging pinuno ng kapayapaan na nangangahulugan ng pakikipaglaban para sa buhay ng taumbayan.