Masayang ibinalita ni Atty. Ferdinand Topacio na inaprubahan ng korte sa Timor Leste ang apila nila ukol sa extradition na isinampa ng gobyerno ng Pilipinas para makabalik si dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, Jr.
Sinabi ni Topacio , nakita ng korte na maaaring makaranasa ng torture at hindi makataong pagtrato ang dating kongresista kapag nakabalik sa bansa.
Pinasalamatan ni Topacio ang mga kasamahang abogado nito sa Timor Leste na sina Lisensiados Duarte at Jose Pedro Sousa, Dr. Ximenes.
Sa panig naman ng Department of Justice, naabisuhan na sila ukol sa usapin at hinihintay na lamang nila ang opisyal na kopya ng ruling.
Pinagtatakahan rin ng DOJ ang hindi normal na ruling dahil sa dalawang beses na pinaburan ng korte ng Timor Leste ang inihain nilang extradition kay Teves na ang una ay noong Hunyo 2024 at sa Disyembre 2024 subalit ngayon ay nabaligtad ang desisyon.
Hihingi ang DOJ ng paglilinaw sa korte ng Timor Leste ukol sa pagpapasya nila.
Tiniyak naman ng DOJ na hindi sila titigil hanggang hindi tuluyang mapauwi si Teves sa bansa.
Magugunitang nahaharap sa ilang kaso ng murder si Teves matapos na ituro siyang utak sa pagpaslang kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo at ilang katao noong 2023.