-- Advertisements --

Kinatigan ng Timor-Leste ang kahilingan ng Pilipinas para sa extradition ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.

Ito ang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) nitong gabi ng Huwebes.

Ipinadala ng attorney general ng Timor Leste sa DOJ ang naturang impormasyon.

“We have won,” saad pa ng DOJ sa isang statement.

Kasunod ng naturang development sa extradition case ni Teves, inihayag ng Justice Department na kanilang inaasahan ang pagdating ng dating mambabatas sa bansa para tuluyan na niyang harapin ang mga kaso laban sa kanya sa mga lokal na korte.

Kung matatandaan, nahaharap si Teves at iba pa sa kasong murder kaugnay ng pagpatay noong 2023 kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa sa mismong bahay ng Gobernador sa bayan ng Pamplona.