Pinahintulutan na ng Commission on Elections (Comelec) ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na magkaroon ng access sa audit logs ng transparency server ng poll body.
Anunsyo ito ni PPCRV chair Myla Villanueva matapos ang kanyang pulong kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo nitong Huwebes.
Ayon kay Villanueva, mahalaga ito upang malaman ang totoong sanhi ng nangyaring pitong oras na delay sa paglalabas ng resulta ng naganap na halalan noong Lunes.
Sasabihin din aniya ng naturang logs kung ano ang nangyari sa makina noong gabi ng Mayo 13.
Binigyang-diin ni Villanueva na importante ring malaman ang rason ng aberya upang hindi na ito mangyari sa susunod na halalan.
“We will make sure we can explain to the public what happened after we’ve read the logs,” wika ni Villanueva.
Una nang sinabi ng Comelec noong Lunes na wala raw naging problema sa transmission ng resulta ng halalan mula sa vote counting machines patungo sa mga servers.