Tinanggihan ni House Secretary General Reginald Velasco ang kahilingan ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves na dumalo sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 24.
Ayon kay Velasco hindi mabibigyan ang mambabatas ng imbitasyon dahil suspendido pa rin ito bilang kongresista sa loob ng 60 araw na magpapaso sa Hulyo 30 kung kayat wala itong entitlement bilang isang regular na miyembro ng Kamara.
Saad din ni Velasco na maging sa virtual participation sa taunang SONA ay hindi ito papayagan.
Aniya, kapag suspendido ang isang mambabatas wala din itong access sa plenaryo maging sa Committee hearings. Ito aniya ang patakaran sa kapulungan kayat dapat itong sundin.
Ginawa ni Teves ang naturang request para dumalo sa SONA sa pamamagitan ng isang virtual press conference noong nakalipas na linggo.
Magugunita na nauna ng sinuspendi sa loob ng 60 araw ang mambabatas mula Marso 22 hanggang Mayo 22 dahil sa disorderly behavior nito.
Si Rep. Teves ang itinuturong utak umano ng pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degami at 9 na iba pang biktima na nadamay sa krimen na nangyari sa mismong bahay ng Gobernador sa bayan ng Pamplona noong Marso 4.
Mula Pebrero 28, nasa labas ng bansa si Teves at tumangging bumalik sa Pilipinas dahil sa takot sa banta sa kaniyang buhay at hangga’t wala umano itong nakikitang sense of fairness sa paggulong ng ibinabatong kaso laban sa kaniya.