Ibinasura ng New York Judge ang hiling ni US President-elect Donald Trump na ipagpaliban ang pag-sentensiya sa kaniyang felony hush money case sa Biyernes, Enero 10.
Ayon kay Justice Juan Merchan, magpapatuloy ang pag-sentensiya kay Trump dahil ang mga argumento umano nito laban sa nakatakdang hatol ay repetition lamang o paguulit ng kaniyang mga argumento na nauna na niyang idinulog ng maraming beses sa mga nakalipas na pagkakataon.
Sa mga inihain sa korte, ikinatwiran ng mga abogado ni Trump na kanilang hiniling ang pagbasura sa tinawag nilang politically motivated prosecution dahil may depekto aniya ito sa simula pa lamang. Isinusulong din ng legal team ni Trump ang pagdinig sa naturang kaso sa appellate court.
Matatandaan na nahatulang guilty si Trump sa 34 na bilang ng felony dahil sa pagpalsipika ng kaniyang business records noong Mayo 2024, dahilan kayat siya ang kauna-unahang dating Pangulo ng Amerika na na-convict sa krimen.
Nag-ugat ang naturang mga kaso sa pagtatangka ni Trump na i-disguise o ikubli bilang legal expenses ang kaniyang reimbursements para sa $130,000 hush money payment sa isang adult film star.