-- Advertisements --

Ibinasura ng Seoul Western District Court ang hiling ni impeached South Korean President Yoon Suk-yeol na ipawalang bisa ang detention at search warrants laban sa kaniya.

Sa inihain kasing injunction ng legal team ni Yoon, kanilang hiniling na suspendihin ang warrants na kanilang inilarawan bilang iligal.

Hindi naman nagbigay ang korte ng paliwanag para sa naging desisyon nito.

Nagpahiwatig naman ang abogado ni Yoon na si Yun Gap-geun sa posibilidad na kanilang iaapela ang naturang ruling sa Supreme Court.

Iginiit din nito na hindi pinagtitibay ng pagbasura sa kanilang apela sa legal validity ng nasabing warrants.

Samantala, inaprubahan din ng parehong korte ang warrant para ikulong si Yoon para sa questioning kaugnay sa kaniyang papel sa panandalian at nabigo nitong deklarasyon ng martial law noong Disyembre 3, 2024.

Nag-isyu din ito ng warrant para galugarin ang presidential residence compound sa central Seoul.

Matatandaan na tinangka ng Corruption Investigation for High-ranking Officials na humahawak ng martial law case ni Yoon na isilbi ang mga warrant subalit nabigo silang arestuhin ang Pangulo matapos ang 6 na oras na standoff sa Presidential Security Service ni Yoon na humarang sa entrance ng gusali.

Ngayong araw ng Lunes, Enero 6, nakatakdang magpaso ang warrants laban kay Yoon subalit base sa local news sa SoKor, ikinokonsidera ng mga imbestigador ang panibagong attempt para isilbi ang nasabing mga warrant.