CENTRAL MINDANAO – Nagpaabot ng hinaing ang mga electric consumers sa probinsya ng Cotabato sa pagtaas ng kanilang electric bill.
Ayon kay Midsayap Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs) Board of Trustee at dating Board Member Rolly Sacdalan ang mga hinaing at reklamo na ipinaabot sa kanya ng ilan sa mga Member-Consumer-Owners (MCOs) ng Cotabato Electric Cooperative (COTELCO-PPALMA) sa isinagawang sesyon ng sangguniang panlalawigan ng Cotabato.
Sinabi ni Sacdalan, ilan sa mga tanong ng mga MCOs ay may kaugnayan sa biglaang pagtaas ng singil sa kuryente o tinatawag nitong “Bill Shock”.
Dagdag pa ni Sacdalan, hindi umano patas ang averaging system na ginamit ng kooperatiba bilang basehan sa inilabas na power bill sa buwan ng Marso.
Karamihan sa mga establisyemento lalong-lalo na ang non-essential businesses ay nagsara ng halos kalahating buwan bilang pagtalima sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa probinsya ng Cotabato.
Nais ni Sacdalan na magpaliwanag ang COTELCO-PPALMA hinggil sa kung papaano tayahin ang current billing ng mga MCOs.
Hindi umano malinaw sa publiko kung anong mga buwan ang saklaw ng current billing matapos isinagawa muli ng kooperatiba ang actual meter reading noong Abril na nagresulta sa halos tripleng pagtaas nito.
Dagdag ni Sacdalan na hindi umano nasunod ng COTELCO-PPALMA ang direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) hinggil sa libreng elektrisidad sa mga low income households at mga MCOs na dapat 50kwh ang konsumo kada buwan taliwas sa ipinatupad nilang free electricity na saklaw lamang ang may 20kWh kada buwan.
Sumunod naman umano ang kooperatiba sa pagsususpinde ng power disconnection at pagkansela sa pagpataw ng penalties, interest at iba pang surcharges, hindi rito kumbinsido si Sacdalan sapagkat nakasaad pa rin ang mga ito sa power bills.
Sigaw ng mga MCOs na pinaabot kay Sacdalan ay magkaroon muli ng actual meter reading ang COTELCO-PPALMA at nang malaman ang eksaktong halaga sa actual consumption ng mga ito dahil mahirap na nga umano ang kanilang pamumuhay dulot ng krisis ng COVID-19 pandemic dagdag pa sa problema nito ang babayaran sa kuryente.