Lalo pang dumarami ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na naniniwalang may nangyaring sabwatan sa pagitan ng ilang ahensiya ng gobierno para makatakas ang tinangal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Una nang pinalutang ni Sen. Risa Hontiveros ang posibleng pagpapabaya ng mga law enforcer kayat nakapuslit si Guo at ng iba pa niyang kasamahan na isinasangkot sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators(POGO).
Para naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, saka na lamang naisapubliko na umalis na sa Pilipinas si Guo isang buwan mula nang tumakas ito gayong may ibang ahensiya ng pamahalaan na dati nang nakaka-alam sa pagtakas ng tinanggal na alkalde.
Iginiit ng Senador na mistulang itinago ng Bureau of Immigration ang pag-alis ng mga naturang indibidwal, kasama na ang kamakailan ay naibalik sa Pilipinas na sina Cassandra Li Ong at Sheila Guo – bagay na kailangan aniyang maimbestigahan.
Para naman kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, mayroong dapat managot sa nangyaring ‘kapabayaan’ kaya’t tuluyang nakalabas sa Pilipinas ang tinanggal na alkalde.
Nitong araw ng Lunes, August 19, ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros na tumakas na si Alice Gou na kilala rin bilang Chinese national Guo Hua Ping noon pang July 18, 2024 patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Mula sa Malaysia, lumipad umano si Alice papuntang Singapore kung saan nakipagkita pa siya sa tatay niyang si Guo Jian Zhong, nanay na si Lin Wen Yi, lalakeng kapatid na si Wesley Guo at businesswoman na si Cassandra Ong, ang sinasabing representative ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga, ang Lucky South 99.
Batay naman sa pinakahuling report ng Bureau of Immigration, sa kasalukuyan ay nasa Indonesia pa si Alice Guo. Sa bansang Indonesia rin nahuli ang kanyang kapatid na si Shiela at bussinesswoman na si Cassandra Ong na ngayong lingo rin naibalik sa Pilipinas.