-- Advertisements --
(c) Marcos family/Wikipedia

Palaisipan pa rin pala sa ilang martial law veterans ang pagharang ng Office of the Solicitor General (OSG) sa distribusyon ng halos $10-milyong na ayuda para sa mga biktima ng karahasan noong panahon ng batas militar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kinuwestyon ni Zeny Mique, executive director ng grupong Claimants 1081, ang hakbang ng OSG sa kabila ng naunang pag-apruba rito ng tanggapan.

“‘Yun nga ang kataka-taka diyan (na) bakit nila (OSG) sasabihing ‘disadvantageuos?’ Pumirma naman sila noong January,” ani Mique.

Nitong Martes nang aprubahan ni Judge Katherine Failla ng US Federal Court sa New York ang settlement agreement mula sa ibinentang ill-gotten paintings ni dating First Lady Imelda Marcos.

Ito’y matapos makahanap ng basehan na may otoridad ang abogado ng class suit na si Atty. Robert Swift na i-representa ang estado at pumasok sa isang kasunduan.

“The Republic’s OSG (Office of the Solicitor General) sought to kill the settlement and prevent a distribution to human rights victims. However, Judge Failla found that the Republic’s New York attorney had actual and apparent authority to bind the Republic to the settlement,” ani Swift.

Sa ilalim ng agreement, nakatanggap ng $13.75-million dollars ang hanay nina Mique na naghain ng class suit noong 1995 sa Hawaii District Court.

Kamakailan ng tawaging disadvantageous para sa pamahalaan ng OSG ang matatanggap na ayuda. Taliwas din daw ito sa nilalaman ng batas.

Sa kabila nito, nagpasalamat ang ilang beterano dahil sa patuloy pagkilala sa kanilang dinanas noon.

Gayunpaman, hindi raw mabubura ng ayuda ang sugat na iniwan ng martial law sa lahat ng biktimang nasawi, mga pamilyang naulila at ilang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita.

“Ang principal (point) namin yung hindi sila (Marcos) napapanagot sa mga kasalanan; lalo na yung pagnanakaw sa taong bayan,” ani Selda vice chairman Danny del Fuente sa hiwalay na interview ng Bombo Radyo.

“Paano mo ibabalik yung buhay (ng mga biktima) na pinatay ng mga sundalo sa kamay ni (dating Pangulong Ferdinand) Marcos,” ani former Commission on Human Rights chair Etta Rosales.