-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patunay umano na hindi validated ang listahan na inilabas ng PDEA kaugnay sa mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga partikular na sa dalawang pangalan mula sa South Cotabato kung saan ang isa sa mga ito may maling address.

Ito ang inihayag ni Tampakan municipal councilor Annadel Torrejos Magbanua sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Magbanua, hindi siya mula sa Koronadal Proper Polomolok, South Cotabato kundi sa Barangay Tablu, Tampakan, South Cotabato.

Aminado si Magbanua na nalaman niyang nasa listahan siya ng narco officials noong 2017 at benirepika niya na umano at nilinis ang pangalan mula sa mga PNP officials ngunit hindi nakapagpadala ng sulat sa PDEA.

Ngunit 1989-2004 pa umano siya nanilbihan bilang barangay official at sa katunayan ay pang dalawang termino niya na rin daw siya bilang municipal councilor ng kanilang bayan.

Dahil dito nagtataka siya na sa listahan na inilabas ng PDEA na barangay captain pa rin ang nakalagay at mali rin ang inilagay na address.

Kaugnay nito, kokunsulta umano si Magbanua sa kanyang abogado para sa gagawing hakbang sa pagsama sa kanyang pangalan sa narco list ng PDEA.

Kasabay nito, iginiit rin ni Magbanua na kailanman hindi umano siya nasangkot sa iligal na droga.