Nanindigan si BuCor Dir. Gen. Nicanor Faeldon na hindi ito magbibitiw sa pwesto, sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa kaniyang tanggapan dahil sa pagpapalaya sa ilang convicted criminals.
Ito ang sinabi ni Faeldon, makaraang tanungin siya ni Sen. Risa Hontiveros kung hindi bababa ang opisyal sa kaniyang posisyon.
Para kay Hontiveros, napakaraming pagkakamali ng BuCor head at mga tauhan nito sa pagpapatupad ng batas ukol sa mga bilanggo.
Pero ayon kay Faeldon, ipinauubaya niya ang kapalaran sa appointing authority na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit din nitong ipinatutupad lang nila ang batas, kahit minsan ay labag ito sa kanilang kalooban.
Kapag hindi raw kasi pinalaya ang mga bilanggong pasok sa good conduct time allowance (GCTA) sila naman ang maaaring mabalikan ng kaso ng kampo ng mga bilanggo.
Una rito, dumating ng maaga sa Senado si Faeldon para sa pagdinig ng blue ribbon at justice committee.
May kaugnayan ang hearing sa umano’y pagpapalaya sa halos 2,000 convicted criminals, kasama na ang mga dawit sa isyu ng iligal na droga.
Iginiit ni Faeldon na hindi niya inisip na lumiban sa pagdinig, kahit may ibang aktibidad sanang nakatakda ngayong araw ang kaniyang tanggapan.
Ang BuCor head ay dati nang nakulong sa Senado dahil sa hindi pagsipot sa mga pagpapatawag noon kaugnay ng mga nakapuslit na droga sa Bureau of Customs (BoC).
Present din sa hearing Justice Sec. Menardo Guevarra at ang mga magulang nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez at iba pa.