-- Advertisements --

Hindi bababa sa 40 mga bangka ang sasama sa isang civillian Christmas convoy sa mga lugar na inookupahan ng Pilipinas sa West Philippine Sea simula Disyembre 9.

Sinabi ni Akbayan party president Rafaela David na aang 40 sasakyang-pandagat ay magsasama ng isang mother vessel na kayang magsakay ng 50-100 katao.

Ang convoy ay nakatakdang bisitahin ang ilang Philippine-occupied features kabilang ang Patag Island at Lawak Island sa Spratlys gayundin sa paligid ng Ayungin Shoal.

Magkakaroon ng sendoff ang Christmas convoy sa Disyembre 9 ngunit opisyal na magsisimula ang paglalakbay nito sa Disyembre 10.

Sinabi ni David na ang mission ay inaasahang tatagal ng 2-3 araw, kasama ang Disyembre 12 bilang pansamantalang petsa ng pagbabalik.

Aniya, ang convoy ay nakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard at iba pang ahensya ng seguridad sa pinakamahusay na ruta upang matiyak ang kaligtasan ng civillian mission.

Nauna nang sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea, na ang Christmas convoy ay unang nagplano na magbigay ng mga regalo sa mga tropang nakatalaga sa BRP Sierra Madre, na naka-ground sa Ayungin Shoal upang igiit ang pag-angkin ng Maynila sa soberanya sa lugar.