Hindi bababa sa 8,000 puno ng fully grown marijuana plants ang binunot at sinira ng pinagsanib-pwersa ng Bayawan City Police station at 1st and 2nd Provincial Mobile Force Company, Linggo ng gabi, Agosto 11, sa Barangay Manduao, Bayawan City, Negros Oriental.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Stephen Jaynard Polinar, Public Information Officer ng Negros Oriental Police Office, sinabi nito na tinatayang nasa P1.6 million pesos ang halaga ng binunot na tanim na marijuana.
Sinabi pa ni Polinar na nagkataon lamang na nakita ng mga tropa ng pamahalaan ang sandamakmak na mga tanim na marijuana habang nagsagawa ang mga ito ng intelligence operation at dahil sa layo at hindi paborableng lugar ay agad na nilang isinagawa ang pagbunot at pagsira sa mga ito.
Aniya, wala naman umanong naarestong indibidwal dahil ang lupaing pinagtaniman ng mga marijuana ay hindi pa aniya titulado at nasa gilid lang ng sapa.
Idinagdag pa nito na patuloy ang kanilang pagmonitor sa mga ganitong kaso at hindi naman aniya nila binalewala ang posibilidad na may iba pang lugar sa lalawigan ay nagkaroon din ng ganito.
Patuloy naman aniya ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga kasabay ng panawagan sa mga NegOrense na magreport sa kanila sakaling may mga impormasyon man hinggil sa isang indibidwal o lugar man na may iligal na droga.