-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY- Hindi hihinto hangga’t walang ginto, ito ang binitawang salita ni Olympic Silver Medalist Nesthy Petecio sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Gensan matapos magbulsa ng silver medal sa Tokyo 2020 Olympics.

Ayon kay Petecio na hangga’t kaya ng kanyang katawan ay hindi ito hihinto na lumaban sa boxing para makamit ang gintong medalya para sa Pilipinas kaya naman tuloy ang laban sa 2024 Olympics na gaganapin sa Paris France.

Inspirasyon umano ni Nesthy sa kanyang laban ang kanyang pamilya, coaches at inialay nito ang medalya sa kanyang boksingerong malapit na kaibigan na taga Gensan na si Alexander Dargantes na pumanaw na.

Nagpapasalamat naman si Petecio sa lahat ng nagdasal at sumuporta sa kanya kung saan mensahe nito sa gustong sumunod sa kanilang yapak na kailangan talaga ang disiplina sa sarili.

Inaasahan naman nito na maibigay sa kanya at sa lahat ng mga nagdala ng karangalan sa bansa ang mga nauna ng ipinangakong mga rewards sa kanila.

Napag-alaman na uuwi na ito sa Pilipinas ngayong araw ng Lunes, Agusto 9, 2021.