Iginiit ni Vice Pres. Leni Robredo na hindi patayan ang solusyon para tuluyang masugpo ang kalakalan ng ililgal na droga sa bansa.
Ito ang sagot ng pangalawang pangulo nang tanungin kaugnay ng kanyang magiging istilo sa pagsisimula ng tungkulin niya bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
“Una, papalitan natin iyong metrics. Iyong metrics, hindi sa numero ng pinapatay, pero iyong metrics, sa numero ng napapabuting mga buhay. Titingnan natin kung seryoso… kung seryoso lahat na sabay-sabay nating pagtutulungan na maayos ito. Kasi iyong sa akin, babaguhin natin iyong polisiya pagdating sa… pagdating sa mga unnecessary—lalo na iyong pagpatay ng mga inosente.”
Kung si Robredo raw ang tatanungin, hindi niya nais na ibalik sa simula ang pagpapatupad ng kampanya kontra iligal na droga.
Nais lang daw nitong malaman kung ano ang tunay na datos at prayoridad ng war on drugs campaign na naging madugo sa nakalipas na mga taon.
“Ako, lahat kasi posible. Pero iyong sa akin… sa akin, iyong pagpa-prioritize ng tatrabahuhin, ang pinakamahalaga kasi alamin muna iyong datos. Ano ba talaga iyong numero, ano ba talaga iyong—ano ba iyong priorities, ano iyong ginagawa ngayon? Kasi hindi ko naman balak palitan lahat. Gaya ng sinabi ko, kung saan ito nagsimula lahat, ang hinihingi ko lang ma-reassess kung nasaan tayo ngayon at saan iyong mali. Kasi gaya ng sabi ko, marami namang ginagawa na makabuluhan, lalo natin iyong papaigtingin. Pero iyong nakikita natin na mga mali—lalo na iyong patayan—iyon iyong sisiguraduhin natin na hindi na mangyayari.”
Sa ngayon nais ng pangalawang pangulo na sulitin ang panahon na hawak niya para pag-aralan ang bagong trabaho kasama ang aniya’y mga nagpahayag ng suporta sa kanyang tungkulin bilang drug czar.
“Pero marami pa tayong araw. First day ko pa lang ito. First day ko pa lang ito. As we speak, marami na ding pag-uusap na ginagawa. Nagbigay na tayo ng mga assignments kahapon, hindi lang sa staff, pero sa mga nagvo-volunteer tumulong. So as we speak, marami nang pag-uusap na ginagawa. Gaya ng sabi ko, iyong invitation for a meeting tomorrow, dini-distribute this morning. So bukas na hapon, mas maraming… mas maraming updates na mabibigay sa inyo, dahil bukas iyong meeting.”
“Ang daming hindi lang nagko-congratulate, pero ang daming nagvo-volunteer na magtrabaho. So gusto nating i-take advantage iyon. Gusto nating i-broaden iyong mga nagpaplano, na bigyan ng puwang iyong civil society, iyong faith-based organizations, iyong mga advocates. Kasi maraming mga private organizations na marami ding ginagawa, eh. So gusto nating ipahiwatig na mensahe: hindi lang ito laban ng ICAD, hindi lang ito laban ng Pangulo, pero laban natin itong lahat, kaya kailangan nating pagtulungan.”