Hinimok ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na naghihintay ng kanilang deployment na ireport ang anumang isyu o reklamo sa mga accommodation na kanilang mararanasan mula mga recruitment agencies.
Batay sa pahayag na inilabas ng DMW, nakasaad dito na kailangang tiyakin ng mga recruitment agencies ang maayos na kalagayan ng mga manggagawang Pinoy habang sila ay naghihintay sa kanilang tuluyang pag-alis.
Nakasaad sa Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Landbased Overseas Filipino Workers na ipinapatupad ng DMW na dapat ay maglaan ang mga recruitment agencies ng sapat na pagkain, inuming tubig, matutulugan, kumot, maayos na palikuran, at iba pang kinakailangang serbisyo sa mga manggagawang na-recruit.
Ang mga naturang serbisyo ay dapat maayos at libre, ayon sa ahensiya.
Kasabay nito ay hinimok ng ahensiya ang mga Pinoy workers na i-report sa DMW ang mga nararanasang hindi maayos na pasilidad at trato ng mga recruitment agencies.
Una rito ay nakatanggap ang ahensiya ng ilang mga reklamo ukol sa umanoy hindi maayos na accommodation sa mga OFWs na pansamantalang nakatira sa mga building na inilaan sa kanila ng mga recruitment agencies.
Kinabibilangan ito ng mahigpit na meal policy, hindi maayos na matutuluyan, overcrowding, kulang na tubig atbp.