Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na hindi lahat ng mga clinic at classroom sa mga pampublikong paaralan ay maaaring magamit bilang coronavirus vaccination centers.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, nakipag-usap na ang DepEd sa Department of Health (DOH) tungkol sa mungkahing paggamit ng school facilities bilang COVID-19 vaccine hubs ngunit marami raw kailangang ikonsidera sa isyu.
“Kailangan i-plano iyan nang maayos kasi mayroon tayong schools na malaki ang clinic, mayroon naman schools na maliit lang. So depende iyan sa situwasyon ng eskuwelahan,” wika ni Briones sa Laging Handa public briefing.
“Hindi tayo makasabi generally lahat ng clinics magagamit, dahil baka mag-create pa ng problema kasi maliit masyado, kulang ang personnel o malayo sa isang health station,” dagdag nito.
Dapat din anyang pag-isipan nang maigi ng mga opisyal kung balak nilang gamitin bilang quarantine at vaccination centers ang mga eskwelahan.
“Dapat hindi sila magkalapit. Kung may quarantine center, we think twice about using them also as vaccination center, especially kung iyong campus iisa lamang,”
Nilinaw din ni Briones na hindi kabilang ang mga public school teachers sa mga tutulong sa pagtuturok ng bakuna laban sa COVID-19.
“Dine-deny naming iyong perception na ang mga teacher ay sila mismo ang mag-vaccinate,” ani Briones.