LEMERY, Batangas – Aminado ang mayor ng bayan ng Lemery sa lalawigan ng Batangas na malaking problema pa rin nila ang nagpipilit na mga evacuees na makabalik sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Larry Alilio ng Lemery, Batangas sinabi nito na liban sa naturang sitwasyon, problema rin nila ang patuloy na manaka-nakang mga pagyanig na nagdudulot na rin ng trauma sa mga residente.
Dahil dito kawawa aniya ang mga matatanda sa lugar.
Meron na nga raw namatay na ina ng isa sa mga barangay chairman dahil sa atake sa puso.
Kaugnay nito inatasan na ni Mayor Alilio ang mga barangay kapitan sa kanilang lugar na pigilan ang mga nagsisibalikang mga residente dahil sa delikado pa ang sitwasyon kahit medyo humupa ang aktibidad ng bulkan.
Malaking bagay aniya na meron na ring tumutulong sa kanilang na mga rescue teams.
Samantala nanawagan naman ang opisyal sa DPWH na tulungan sila sa problema sa nagkabitak bitak na ilang mga kalsada.
Sa ngayon dapat aniya na ipagbawal muna ang mga light vehicles upang makadaan ang mga heavy equipments na siyang tutulong sa pagsasaayos sa mga napinsala dulot ng mga paglindol at pagbuhos ng ashfall mula sa nag-aalburutong bulkan.
Sa kabilang dako patuloy na humihingi naman ng pang-unawa ang mga otoridad sa Batangas sa mga residenteng apektado ng kalamidad.
Ito ay makaraang ipatupad na rin ang lockdown sa mga bayan ng Talisay, Balete, Lemery, San Nicolas, Agoncillo at Laurel na deklaradong nasa ilalim ng 14-kilometers danger zone ng Phivolcs. (with reports from Bombo Sol Marquez)