-- Advertisements --

Suportado ng mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumabatikos kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang iniisip na solusyon sa mga problema ay pumatay.

Sinabi nina Deputy Majority Leader Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales na tama ang naging puna ng Pangulo.

Ayon kay Khonghun, maaaring iniisip ng dating pangulo na siya ay hindi sakop ng batas dahil paulit-ulit itong nagbabanta ng pagpatay at asasinasyon.

Sinabi rin niya na ang pagsasampa ng kaso laban sa Bise Presidente para sa inciting to sedition at grave threats ay dapat nagbigay babala sa nakatatandang Duterte upang pag-isipan ang kanyang hilig sa pagbibitiw ng banta.

Sa paglulunsad ng kampanya ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Mindanao na ginanap sa Carmen, Davao del Norte noong Biyernes, sinabi ng Pangulo sa kanyang mga kandidato: “Nakikita natin ang ibang partido… nagugulat sila, natatakot yata sila sa inyo dahil pag nakita ang line-up ng Alyansa ay kung anu-ano na ang sinasabi.”

Sinabi nina Ortega at Khonghun na tama ang naging pagsusuri ng Pangulo sa takot ng kampo ni Duterte sa posibleng pagkatalo, kaya’t nagbitaw ito ng banta laban sa mga senador.

Ayon naman kay Khonghun, hindi maililigtas ng mga pahayag ng dating pangulo ang kanyang mga kandidatong senador.