Nilinaw ng Department of Finance (DOF) na hindi makakaapekto ang suspensyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagpo-pondo ng Universal Healthcare Law.
Ayon kay Finance Asec. Tony Lambino II, hindi pa aabot sa 1.2-percent o katumbas ng P3-bilyon ang required share ng PCSO sa kabuuang P257-bilyon na inaasahang pondo ng batas.
“Ito pong PCSO share sa universal healthcare financing ay for the first year of implementation na P257 billion ‘yung kailangan natin, P3 billion ‘yung galing sa PCSO. So that’s less than 1.2% of the requirement for universal healthcare.”
Batay sa datos ng PCSO, aabot sa higit P63-bilyon ang kinita nito noong 2018.
Mas mataas mula sa halos P53-bilyon na kita sa noong taon ng 2017.
Sa ilalim ng mandato nito, obligado ang tanggapan na mag-contribute ng 55-percent na kita nito para sa mga laro; 30-percent sa charity fund; at 15-percent sa operational expenses.
“Ang nakikita natin ay ‘pag naayos na po ‘yan ay baka mas malaki pa. It’s very likely that contribution of PCSO to resources na available sa atin para sa pagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan ay mas malaki pa,” ani Lambino sakaling matapos ang tila internal cleansing sa PCSO.