-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa na kanilang tinitiktikan ang mga miyembro ng media.

Ayon kay Dela Rosa, wala siyang ibinabang kautusan sa kanilang ntelligence operatives upang manmanan ang media partikular na ang mga kritiko ng gobyerno.

“Hindi naman kayo kalaban ,” ani Dela Rosa sabay giit na tanging ang mga kalaban ng administrasyon ang kanilang iniimbestigahan.

Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag sa gitna ng pag-alma ng isang online media hinggil sa umano’y pagsasailalim sa kaniya sa surveillance operations ng PNP-Intelligence Group operatives.

“I categorically deny na may effort and PNP to monitor or conduct background check to media, wala wala, promise promise totoo yan” dagdag ni Dela Rosa.

Hindi rin aniya isinasailalim sa background check ang media lalo na ang mga miyembro ng PNP Press Corps.

Kung mayroon man daw problema sa seguridad ang media lalo na at may kinalaman sa mga pulis, agad daw itong sabihin sa kaniya.

“Pag meron kayong problema and you feel that something is going wrong pertaining to your security as media please tell us right away para maaksyunan natin ha,” giit ng opisyal.

Samantala, ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, nasa proseso pa lamang ang mga accreditation letters ng media at wala silang ibinibigay na papel sa intelligence para magsagawa ng surveillance.