-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hindi na dapat pang ginugunita ang anibersaryo ng pagdedeklara ng batas militar ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972 na tumagal ng 10 taon

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, binigyang-diin ni Labor Sec. Silvestre Bello III na ang batas militar ay masamang yugto sa buhay ng mga Pilipino na sana ay hindi na maulit.

Inalala ni Bello ang naging karanasan noong Batas Militar.

Aniya, nawalan ng karapatan, katarungan at kalayaan ang mga Pilipino sa naturang panahon.

Naranasan niyang nakulong ng dalawang araw matapos siyang dakpin ng militar nang puntahan nila ang isang lugar sa Kapatagan, Davao Sur para tulungan ang mga magsasaka na inagawan ng lupa.

Ayon kay Atty.Bello, kabilang siya sa mga human rights lawyer noong martial law na pinag-initan ng rehimeng Marcos dahil sa pagtatanggol nila sa mga biktima ng pagmamalupit ng militar at paglabag sa karapatang pantao.

Marami aniyang pinahirapan, nasawi at nawala sa halos isang dekadang pagpapatupad ng Martial Law.