Nanindigan ang Malacañang na wala ng pangangailangan para maglabas pa ng official medical bulletin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang marami ang humihingi ng medical bulletin ni Pangulong Duterte matapos mapaaga ang pag-uwi nito mula sa Japan dahil sa matinding pananakit ng spinal column at kinailangan pa nitong gumamit ng tungkod.
Pagbalik sa bansa, nagpakonsulta umano si Pangulong Duterte sa kanyang neurologist sa hindi mabanggit na pagamutan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginagawa lamang ang paglalabas ng medical bulletin kung talagang seryoso ang kondisyon ng kalusugan ng pangulo ng bansa.
Pero sa kaso umano ni Pangulong Duterte, hindi naman matindi ang naging epekto ng pagkakatumba nito sa motorsiklo kamakailan, bagkus ay nagdulot lamang ng muscle spasm na mabilis ding nagamot sa pamamagitan ng pain reliever.
Ayon kay Sec. Panelo, makikita naman sa “aura” ngayon ni Pangulong Duterte na naka-rekober na ito o bumuti na ang pakiramdam mula nang matingnan ng doktor at makapagpahinga.
Sa ngayon, tiniyak ni Sec. Panelo na maayos ang kalagayan ng kalusugan ng pangulo at sa katunayan ay sumakay na muli ito ng motorsiklo kagabi sa PSG compound.