ILOILO CITY – Sinisi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang nakaraang Duterte administration sa oversupply Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na naglaan ang Iloilo City Government ng P200 million para sa 600,000 doses ng bakuna.
Ayon kay Treñas, 183,000 doses pa lang ng bakuna ang naihatid sa lungsod.
Nangangahulugan na mayroon pang 416,700 vaccines ang hindi pa naihatid sa lungsod na nagkakahalaga ng P138 million.
Kung naipaalam lang sana ng nakaraang administrasyon ang bilang ng mga COVID-19 vaccines na ibibigay sa Iloilo City, disin sana hindi na bumili ng daan daang milyong piso na halaga ng bakuna.
Napag-alaman na noong Enero 2021, lumagda ang Iloilo City Government sa isang tripartite agreement kasama sina dating Vaccine Czar and National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer, Secretary Carlito G. Galvez, Jr., dating Health Secretary Francisco Doque III at ang AstraZeneca.
Pinuna rin ng Commission on Audit ang oversupply ng COVID-19 vaccines sa Iloilo City kung saan marami pa ang mga natirang bakuna mula sa private sector at Department of Health.