MANILA – Nilinaw ng isang infectious diseases expert na hindi naman nagbago ang “mode of transmission” o paraan ng pagkakahawa sa COVID-19, kahit napaulat na may bagong variant ang virus nito sa United Kingdom.
Ayon kay Dr. Marissa Alejandria, presidente ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID), nananatiling sa pamamagitan ng “respiratory droplets” naipapasa at nahahawa ang isang tao sa coronavirus disease.
“Ang main driver pa rin ay respiratory droplets, so kapag umubo, nagsasalita ng malakas, kumakain or you’re in an enclosed space.”
Paliwanag ng eksperto, hindi naman nakaka-apekto ang “mutation” o pagbabago ng anyo ng isang virus, sa paraan kung paano ito naipapasa ng isang infected na tao.
Nakasaad sa artikulo ng World Health Organization (WHO) na madalas nangyayari ang “droplet transmission” kapag bumabahing o umuubo ang isang taong may sakit. Naipapasa raw ang virus kapag hindi bababa sa 1-metro ang distansya ng dalawang tao.
Kaya mahigpit ang paalala ng health experts sa kahalagahan ng physical distancing, at pagsusuot ng face mask at face shield.
“Therefore at risk of having his/her mucosae (mouth and nose) or conjunctiva (eyes) exposed to potentially infective respiratory droplets,” ayon sa WHO.
Lumabas din sa pag-aaral ng mga eksperto na posibleng mabuhay at maipasa sa pamamagitan ng “fomites” o mga kontaminadong bagay ang sakit.
“Transmission of the COVID-19 virus can occur by direct contact with infected people and indirect contact with surfaces in the immediate environment or with objects used on the infected person (e.g., stethoscope or thermometer).”
Wala pa raw ebidensya na kayang mabuhay ng matagal at maipasa sa pamamagitan ng “airborne transmission” ang virus. Pero pinaalalahanan ng WHO ang mga nagta-trabaho sa health facilities dahil posibleng humalo sa “aerosol” o liquid droplets ang sakit.
Batay sa initial findings ng British health experts, sinasabing mas nakakahawa ang bagong variant ng SARS-CoV-2 virus na natuklasan sa UK. Pero wala pa naman daw ebidensyang mas nakakamatay ito.
“Ayon sa mga pag-aaral sa mga laboratoryo, ang bagong mutation ay nakakadadagdag sa kakayahan ng virus na maka-infect ng human at animal cells. Current evidence suggests 70% higher transmissibility o mas nakakahawa,” ani Health Sec. Francisco Duque III.
“Wala pang indikasyon na ang virus na ito ay nagdudulot ng mas malubhang karamdaman o may implikasyon sa pagtalab ng mga bakuna laban sa COVID-19.”
Ani Dr. Alejandria, pinaka-epektibong panlaban pa rin para sa banta ng pagkahawa sa COVID-19 ang pagsunod sa minimum health standards.