Target na makumpletong mabayaran ang lahat ng natitirang P27.7 billion arrears para sa Health Emergency Allowance (HEA) ng mga health worker bago matapos ang 2025.
Sa isang statement, sinabi ng DBM na ipinangako ito ni Secretary Amenah Pangandaman sa public hearing at inquiry sa Senate Committee on Health and Demography dahil prayoridad aniya ang mga health worker at palaging ipinapaala sa kaniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa tuwing magkikita sila na mabayaran na ng buo sa 2025 ang unpaid HEA.
Gagamitin aniya para mabayaran ito ang P2.3 billion unprogrammed appropriations fund contingent pagkakolekta ng sobrang revenue ng pamahalaan.
Inaantay na lamang ang sertipikasyon mula sa Bureau of Treasury sa excess revenue.
Tinitignan din ng Budget department ang internal budget ng DOH para matukoy kung posible na mag-realign ng pondo para sa naturang programa.
Sa kasalukuyan, ayon sa Budget department nakapagpalabas na ng kabuuang P91.283 billion sa Department of health para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances saklaw ang lahat ng mga benepisyo ng healthcare workers mula 2021 hanggang 2023.
Kabilang dito ang Special Risk Allowamce, kompensasyon para sa COVID-19 sickness at death benefits gayundin ang meals, accommodation, at transportation allowances para sa healthcare workers.