Hindi pa maibibigay ngayong taon ang hindi nababayarang sahod ng nasa mahigit 10,000 overseas Filipino workers sa Saudi Arabia ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega.
Sa Congressional Oversight Committee Meeting, sinabi ni De Vega na sa unang bahagi ng taon, sinabi na ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi na hindi aniya makatotohanan para asahan na mababayaran ngayong taon ang unpaid wages.
Subalit nilinaw ni De Vega na base ito sa report ng PH Embassy noong Abril, isang buwan bago ang pagpupulong ng mga opisyal ng Migrant Workers Department sa Saudi.
Matatandaan na aabot sa 10,000 OFWs ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga sahod mula sa mga construction firms na nalugi noong 2015 at 2016 dahil sa krisis sa ekonomiya sa Saudi Arabia.
Noong 2022, nangako ang gobyerno ng Saudi Arabia ng 2 billion riyals para sa mga OFWs na may unpaid wages.
Sa ikalawang state of the nation address din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, kaniyang inihayag na nangako mismo si Saudi Arabia’s Prince Mohammed bin Salman sa kaniya na pinoproseso na ang unpaid salaries at iba pang kaugnay na claims ng nasa 14,000 OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia sa kasagsagan ng pandemiya.