-- Advertisements --

MANILA – Iginiit ng Department of Science and Technology (DOST) na hindi pa pwedeng gamitin na panggamot sa coronavirus disease (COVID-19) ang virgin coconut oil (VCO).

Ito ay sa kabila ng magandang resulta na ipinamalas ng VCO sa ginawang pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) noong nakaraang taon.

Ayon kay Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), bagamat rehistrado sa ilalim ng Food and Drug Administration ang virgin coconut oil, ito ay bilang “food supplement” lang.

Noong Disyembre nang ilabas ng FNRI ang resulta ng pag-aaral sa bisa ng VCO sa mga probable at suspect COVID-19 cases. Dito natukoy ng mga nagsaliksik na nakatulong ang virgin coconut oil sa paggaling ng mga indibidwal.

“Kailangan natin gumawa ng karagdagang pag-aaral kung paano ito ginagawa ng VCO, at kailangan natin ma-update yung registration FDA. Ito ay available na, nabibili na, pero huwag muna tayo dumepende sa VCO para sa COVID-19. Kailangan natin ipagpatuloy ang ibang dapat gawin. Karagdagang lang ito.”

Kamakailan nang aminin ng Science department na nailathala na sa international Journal of Functional Food ang resulta ng pag-aaral na ginawa sa Sta. Rosa, Laguna.

Ayon kay Montoya, malapit na ring matapos ang hiwalay na pag-aaral sa mga mild at severe cases ng Philippine General Hospital.

Binigyang diin naman ng opisyal na kahit may nadiskubre nang bisa ang VCO, importante pa rin na magpaturok ng COVID-19 vaccine ang publiko.

“Magkaiba yan. Ang bakuna ay ibinibigay sa mga walang pang sakit at para hindi sila magkasakit. Ang VCO pinag-aaralan natin kung makakatulong sa paggaling agad ng mga may COVID-19.”

Naniniwala si Montoya na malaking tulong sa coconut industry ng Pilipinas sakaling mapatunayan na ligtas at epektibo ang virgin coconut oil laban sa coronavirus.