KORONADAL CITY – Naniniwala ang kampo ng mga pamilya ng mga biktima ng malagim na Maguindanao massacre na hindi pa tapos ang kanilang laban matapos ang isinagawang promulgation of judgment kahapon laban sa mga akusado sa naturang trahedya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Nena Santos, isa sa mga private prosecutors at tumayong legal counsel para sa mga pamilya ng mga biktima, nag-uumpisa pa lamang umano ang kanilang laban dahil asahan umanong mas hahaba pa ang legal battle sa pagitan nila ng mga abogado ng mga akusado.
Ito ay dahil magsasampa umano ang mga ito ng motions for reconsideration at appeal kaugnay sa kinakaharap na parusa ng mga nasasakdal.
Nababahala rin ito sa seguridad ng pamilya ng mga biktima dahil nananatiling at large ang nasa 80 mga suspek ng massacre at posible silang ma-target.
Ayon naman kay Justice Now Movement president Emily Lopez, maihahantulad umano sa boxing ang nangyayari ngayon dahil naipanalo nila ang Round 1 at asahan namang magiging madugo at mahaba ang legal battle sa Round 2.