Hindi na matutuloy ang pagbisita ni Pang. Rodrigo Duterte sa probinsiya ng Sulu para kausapin sana ang siyam na pulis na bumaril patay sa apat na intelligence operatives ng Philippine Army sa Jolo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom Commander Lt.Gen. Cirilito Sobejana, nilinaw nito na hindi dahil sa security concern kung bakit hindi natuloy ang biyahe ng Pangulo sa Sulu.
Sinabi ni Sobejana, dahil sa may Covid-19 patient positive na naka confine sa Camp Teodulfo Hospital sa loob ng headquarters ng 11th Infatry Division sa Busbus,Jolo,Sulu ang dahilan kaya hindi tuloy ang pagbisita ng Pangulo.
Minabuti ng AFP leadership na sa Wesmincom headquarters sa Zamboanga City na lamang manatili ang Pangulo kung saan pangungunahan nito ang joint command conference ng AFP at PNP.
Hindi naman nagbigay ng detalye si Sobejana hinggil sa Covid-19 positive.
Banta kasi sa kalusugan ng Pangulo kung magtungo ito sa probinsiya.
Batay sa ulat ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, ibinyahe na ang siyam na pulis patungong Zamboanga City.