BAGUIO CITY – Suportado ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang pagbubukas ng mga community pantries sa lungsod.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, napahanga sila sa konsepto ng community pantry na nagpapakita sa inisyatibo ng mga mamamayan.
Kaya naman pinasasalamatan nila ang mga indibidwal at grupong nanguna sa pagtatayo ng mga nasabing community pantries.
Aniya, hinihikayat nila ang pagbubukas ng community pantries sa Baguio dahil ito ang nagpapakita sa kultura ng mga Cordillerans na tinatawag na “binaddang” o pagtutulungan na simbolo ng “bayanihan” spirit ng mga Pilipino.
Ipinapasigurado aniya sa mga mamamayan ng Baguio na hindi hahadlangan o pipigilan ng lokal na pamahalaan ang mga grupo o indibidwal na naghahangad na magbukas ng community pantry para sa mga mamamayan.
Dahil dito, hindi na aniya kailangan ang permits sa pagsasagawa ng mga community pantries sa lungsod.
Gayunman, hinihikayat ng city government ang mga organizers ng mga community pantries na magpatulong sa Baguio City Police Office, Public Order and Safety Division, at mga Barangay Peace and Order Councils para sa pagsisiguro na nasusunod ang mga nakatakdang minimum health standards, lalo na kung kinakailangan.