-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Dinepensahan ni Agusan del Sur Police Provincial Police Office ang hindi paghuli ng kanyang mga tauhan sa bayan ng Talacogon sa mga opisyal ng Forex Trading na nagsagawa ng payout sa kanilang mga investors.

Ito’y sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapasara sa lahat ng mga investment scams at paghuli sa mga opisyal nito maliban pa sa katotohanang isinagawa ang pay-out sa bisinidad lamang ng Talacogon Municipal Police Station.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Agusan del Sur Provincial Police Director, P/Col. Rogelio Raymundo na kumilos lang ang kanyang mga tauhan nang may naganap ng komosyon.

Nalaman lamang umano ng kanyang mga tauhan na payout na sa Forex ang naganap kung kaya’t dali itong nirespondehan ng pulisya sa nasabing police station.

Ang pahayag ng opisyal ay iba sa pahayag naman ng mga investors na nasa nasabing lugar na syang nagkumpirma na mismong ang mga pulis pa umano ang nag-escort sa mga Forex officials upang maka-iwas sa galit ng mga tao.