Naniniwala si dating Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio na isang magandang desisyon ang hindi pagsali kay Atty. Harry Roque sa legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang inamin ni Vice President Sara Duterte na hindi kasama si Roque sa legal team ng dating pangulo sa kabila ng kaniyang paglutang noong humarap ang dating pangulo sa Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC).
Giit ng dating mahistrado, may mga conflicting statement na si Roque laban sa dating pangulo bago pa siya nagsilbi bilang tagapagsalita.
Inihalimbawa nito ang mga naunang pahayag ng dating presidential spokesperson na pumupuna sa extrajudicial killings (EJK), lalo na noong dinedepensahan pa niya ang umano’y mga biktima ng EJK.
Ayon kay Justice Carpio, isang malaking problema sa kampo ng dating pangulo kung iprepresenta ng prosecution ang mga naunang statement ni Roque sa pagdinig na gagawin ng ICC at posibleng maging dahilan pa ng tuluyang pagkaka-convict ng dating pangulo.
Dahil dito, isang magandang desisyon aniya ang ginawang pagtanggal sa kaniya sa legal team ng dating pangulo, bago pa man gumulong ang pagdinig sa kaso ni Duterte na crimes against humanity
Si Atty. Roque ay isa sa mga kilalang human rights lawyer sa Pilipinas at isa sa limang abogado sa bansa na nabigyan ng accreditation ng ICC.
Sinumang abogado na nagnanais kumatawan sa isang indibidwal sa ICC ay dapat naka-admit sa list of counsel ng ICC.