Itinuturing ni Russian Sports Minister Mikhail Degtyarev na kawalan ng buong mundo ang hindi pagpayag sa mga atleta ng Russia na makapaglaro sa 2024 Paris Olympics.
Sa isang panayam, sinabi ni Degtyarev na malaki ang kawalan ng mundo dahil hindi pinayagan ang mga magagaling na atleta nito na katawanin ang kanilang bansa. Ito aniya ay panira sa mundo ng sports.
Kampante rin ang opisyal na maraming fans at mga atleta sa buong mundo ang nagnanais na makita ang mga atleta ng Russia. Sa katunayan aniya, mula noong 2020 hanggang 2023, ang mga atleta ng Russia ay nakibahagi sa 8,000 international sports events.
Ang hindi paglalaro ng Russian athletes aniya ay tiyak na magpapakita ng decline o tuluyang pagbaba ng entertainment value at pagiging hindi epektibo ng international tournaments.
Sa Paris Olympics ay pinagbabawalan ang mga atleta ng Russia at Belarus na maglaro. Ang dalawa ay kilalang magka-alyado, lalo na sa tuluyang paglusob ng Russia sa Ukraine noong 2022.
Gayunpaman, may ilang mga atleta ng Russia na natukoy na walang military connection ang pinayagan. Sila ay tinawag bilang ‘neutral’ at napakababa ang porsyento.
Ang naging desisyon na ito ng International Olympic Committee ay una na ring kinondena ng Russia.