KALIBO, Aklan—Kinuwestyon ng Manibela transport group kung bakit hindi ipinapatupad ang memorandum circular kung saan, nakaakda na kung may pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ay otomatiko rin na magtataas ng pamasahe sa mga pampublikong jeepney depende kung ilan ang itinaas sa presyo ng langis.
Ayon sa chairman ng grupo na si Mar Valbuena, masama ang loob sa kanila ng mga commuters dahil sa kanilang aplikasyon na dagdag singil sa pamasahe dahil sila mismo ang nag-apply at nagdemand nito.
Sa katunayan aniya ay nasa P200 ang nawawalang kita sa kanila bawat araw na pamamasada dahil sa makasunod na linggong pagtaas sa presyo it langis.
Hindi rin aniya maaari na mag-extend sila ng oras sa pamamasada upang mahabol ang nawalang kita dahil magkakaproblema din ang kanilang kalusugan.
Apela nila sa gobyerno na bigyang pansin ang kanilang mga hinaing dahil hindi sapat ang fuel subsidy na P6,500 kung ihambing sa sunod-sunod na umento sa presyo ng produktong petrolyo.
Nauna nang inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aaralan nila ang hiling na dagdag P2 sa pamasahe sa jeep ng mga transport groups.
Nitong Martes lamang nang ipinatupad ng mga kumpanya ng langing ang P1.90 na umento sa presyo ng gasolina habang P1.50 naman sa diesel at P2.50 sa kerosene.