Nilinaw ni Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino na nakiusap lang sa kaniya bilang kaibigan si Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde para hindi na ipatupad ang dismissal order laban sa 13 pulis na sangkot sa kini-kwestyong 2013 buy bust operation sa Pampanga.
Naipit kasi ang opisyal sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng sinasabing recycling sa illegal drugs ng mga tinaguriang “ninja cops.”
Inamin ni Aquino, na dating hepe ng Police Regional Office 3 na kinausap siya ni Albayalde kaugnay ng dismissal order.
Si Albayalde kasi ang hepe ng Pampanga PNP nang mangyari ang operasyon.
Paliwanag ni Aquino,wala itong ideya na pinasisibak ang naturang mga pulis kaya’t inutos nito na muling i-review ang kanilang kaso.
Marso noong 2016 aniya nang maghain ng motion for reconsideration ang mga akusadong pulis kaya hindi siya binigyan ng go-signal ng kaniyang chief legal officer para ipatupad ang dismissal order.
Pinuna naman ni Committee chairman Sen. Richard Gordon ang mga paiba-ibang testimonya sa mga ebidensyang ipinrisinta ng mga akusadong opisyal.
Ayon kay Gordon, may kapabayaan ang hanay ng pulisya sa naturang raid kaya hinayaang makatakas ang high profile drug suspect na si Johson Lee.