BUTUAN CITY – Inaasahan na umano ng mga miyembro ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International ang hindi pagsipot ni KAPA founder Joel Apolinario at ng kanyang mga opisyal sa ikalawang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) nitong Lunes sa Maynila.
Iniulat ni Bombo Radyo Gensan station manager Janjan Macailing na inaasahan na raw ng mga KAPA members sa SOCKSARGEN area na hindi na magpapakita pa sa kanila ang KAPA founder.
Katunayan nito, may iba pa umano sa kanila ang naniniwalang nakalabas na ng bansa si Apolinario.
Ito ay lalo na nang hindi rin ito sumipot sa unang itinakdang hearing noong Hulyo 3 sa kasong isinampa ni Apolinario laban sa kanya ukol naman sa isyu sa pag-frame up sa kanya nang nagpapakilalang pastor.
Parehas umano ang ibinigay na rason ng kampo ni Apolinario na ang dahilan umano ay bunsod ng mga banta raw sa buhay na kanyang natatanggap.
Kung maaalala liban sa kasong kinakaharap ni Apolinario na inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) na paglabag sa Securities Regulation Code, nahaharap din ito sa mga kasong isinampa ng NBI at iba pang lugar sa Mindanao.
Samantala, hindi na muling magbibigay ng palugit ang DOJ sa paghahain ng kontra salaysay ng mga opiyal ng KAPA Community Ministry International Inc. matapos ang preliminary investigation kahapon.
Ayon kay Assistant State Prosecutor Gilmari Fe Pacamara, “unextendible” ang ibinigay nilang palugit na hanggang Hulyo 29 para magsumite ng counter affidavit ang mga akusado sa kasong isinampa ng SEC.
Kapag bigo pa ring magsumite ng kontra salaysay ang mga isinasangkot sa multi billion investment scam ay idideklara nang “submitted for resolution” ang kaso.
Tanging ang mga nagpakilalang counsel ng KAPA na sina Atty. Montano Nazario Jr., Atty. Karl Steven Co at Atty. Mae Divinagracia ang dumalo sa pagdinig bilang counsel ni Mr. Apolinario asawang Reyna Apolinario na corporate secretary ng ministry at Rene Catubigan.
Walang dalang anumang counter affidavit ang mga abogado kaya’t hiniling nilang panumpaan na lang muna ng kanilang mga kliyente ang kanilang counter affidavit sa provincial prosecutor ng Sarangani.
Pinagbigyan naman ito ng DOJ panel of prosecutors at inobliga ang mga counsel na isumite ang kontra salaysay ng mga respondent kasabay ng susunod na preliminary investigation.
Dumipensa naman ang counsel na si Divinagracua kung bakit no show pa rin ang mga isinasangkot sa investment scam sa isinagawang imbestigasyon.
Sinabi ng mga counsel, may banta raw kasi sa buhay ang kanilang mga kliyente kaya hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sila lumalantad sa publiko.
Sa ngayon ay may hold departure order din ang KAPA founder at mga opisyal ng grupo.
Una nang inilagay ng AMLC sa freeze order ang mga assets at P100 million cash ni Apolinario makaraang ipag-utos mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang crackdown sa mga KAPA offices dahil sa “continuing crime” bunsod ng pagiging Ponzi scheme o pyramiding scam ng kanilang operasyon.