-- Advertisements --
Dar William
DA Sec William Dar/ DA FB image

VIGAN CITY – Iginiit ng Department of Agriculture (DA) na hindi palpak ang ipinatupad na ban sa pag-import ng karne mula sa mga bansang nauna nang mayroong kumpirmadong kaso ng African Swine Fever (ASF) virus.

Ito ay matapos na ihayag ni Agriculture Secretary William Dar na 14 sa 20 blood sample na mula sa mga namatay na baboy sa Rodriguez, Rizal ang kumpirmadong positibo sa nasabing sakit.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Dar na kahit pa umano paigtingin pa ang quarantine checkpoint sa mga airport at sea port sa bansa ay mayroon pa ring nakakalusot na mga smuggled na karne na siyang hahanapan nila ng solusyon.

Kaugnay nito, muli rin nitong tiniyak na sinuman sa kaniyang mga kasamahan sa kagawaran ang sangkot sa pagtransport ng hot meat papasok sa bansa, kasama na ang mga smuggled na karne ay matatangal sa trabaho at makakasuhan pa.

Maliban pa rito, itinuturo rin ng kalihim na posibleng rason kung bakit nakapasok ang ASF virus sa bansa ang mga de-lata at mga imported na produkto na ini-uuwi ng mga Overseas Filipino Workers sa Pilipinas.

Kung maaalala, bago pa man mabago ang liderato sa DA ay mayroon ng ipinatupad na ban sa pag-import ng karne mula sa China, Japan, Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa at Zambia.