-- Advertisements --

DAVAO CITY – Iginiit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nananatiling normal ang kondisyon ng Mt. Apo sa Davao City sa kabila ng magkakasunod na pagyanig ng mga lindol sa Mindanao kamakailan.

Ayon kay Chris Vidad, research assistant sa Phivolcs-Davao, walang dapat ikabahala ang publiko dahil hindi konektado sa bulkan ang fault line na gumalaw sa North Cotabato.

Nabatid kasi ng ahensya ang pangamba ng publiko sa social media kasunod ng lindol.

Pero ayon kay Vidad, kahit pa nasa pagitan lang ng Davao del Sur at Kidapawan City ang bulkan ay wala silang mararamdaman na aktibidad mula rito na posibleng maghudyat ng pagsabog.

Tiniyak naman ng ahensya na patuloy ang kanilang mahigpit na monitoring sa volcanic activity ng Apo dahil may hiwalay na active fault line na malapit dito.