Aminado si Pasig City Mayor Vico Sotto na kulang pa rin ang mga sasakyan na pwedeng gamitin ng mga Pasigueno para makarating sa mga health centers at magpagamot sa kabila ng pagsisikap ng Pasig City government na maghanap ng iba’t ibang alternatibo para makatulong.
Ito ay matapos ang pagbasura ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa hiling ni Mayor Sotto na payagang pumasada ang mga tricycle sa lungsod.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Pasig City Mayor Vico Sotto, iginiit nito na wala siyang balak na kalabanin ang national government dahil dito.
Aniya, nakahanda umano siyang makipagtulungan sa administrasyon upang labanan ang pagkalat ng coronavirus sa naturang lungsod.
“Hindi po tayo nakikipagtalo sa nasyonal na pamahalaan. Yung sakin lang naman, mayroon kaming ginawang analysis at kung hindi nag-agree yung national ay mag-cocomply na lang po tayo,” saad ni Sotto.
Sa kasalukuyan, naglaan na ng libreng sakay ang Pasig City government sa halos 50 shuttle bus at coasters ang umiikot sa buong lungsod ng Pasig. Karamihan daw sa mga ito ay mula sa lokal na pamahalaan habang ang iba naman ay pribadong pagmamay-ari ng mga taga-Pasig na pumayag na gamitin ang kanilang mga sasakyan para gawing service.
Ibinida rin ng alkalde na ipinapagamit na rin nito ang bike share na maaari namang gamitin ng mga frontliners o healthworkers na kinakailangan pumasok sa kanilang trabaho para makapagbigay ng tulong sa iba.
Una rito ay ipinakita ni Mayor Sotto sa publiko ang binili nilang drones para gamitin sa pag-disinfrect ng mga kalsada sa Pasig. Sinabi rin nito na mayroon silang kinuhang motels na gagamitin para gawing quarantine sites at quarters para sa mga health workers.
Dagdag pa ni Mayor Vico, na wala siya sa posisyon para magbigay ng payo sa mga kapwa niyang Mayor dahil kahit siya rin daw ay natututo lamang sa mga ideya ng ibang LGUs at ini-aapply ito sa Pasig.
Ang kailangan lamang ng mga LGUs aniya ay gayahin ang best practices ng bawat isa para mas mapaganda pa ang bawat lungsod lalo na sa oras ng krisis na kinakaharap ng Pilipinas dahil sa COVID-19.