-- Advertisements --
Magalong
Ex-PNP general and now Baguio City Mayor Benjamin Magalong

BAGUIO CITY – Mariing pinabulaanan ni Mayor Benjamin Magalong ang balitang naka-lockdown sa ngayon ang Baguio City dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD).

Paglilinaw ito ni Magalong matapos kanselahin ang pagdaraos ng Panagbenga Festival ngayong taon.

Ginawa ito ni Magalong kasunod nang naging pahayag naman ni Secretary of National Defense Delfin Lorenzana na sinusuportahan nito ang desisyon ng Philippine Military Academy (PMA) na ipagbawal pansamantala ang pagpasok ng mga turista dahil na rin sa banta ng n-cov.

Una na ring ipinagpaliban muna ang Philippine Military Academy graduation.

Ang pahayag na ito ni Lorenzana ay naayon aniya sa desisyon naman ni Magalong na magpatupad ng mandatory city-wide lockdown sa mga bisita.

Pero sa personal na mensahe na ipinadala ni Mayor Magalong sa Bombo Radyo, iginiit nitong hindi niya idineklara ang lockdown sa Baguo City at sa katunayan ay maari pa ring bumisita sa lungsod ang mga turista.

Nauna nang sinabi ng alkalde na ang pagkansela sa Panagbenga Festival 2020 ay “proactive control measures” para maiwasan ang deadly virus at matiyak ang seguridad sa lungsod.