Natagpuan ang hinihinalang shabu o methamphetamine at cocaine sa katawan o labi ng 31 anyos na dating miyembro ng One Direction na si Liam Payne base sa lumabas na inisyal na resulta ng isinagawang toxicology tests.
Matatandaan, nasawi si Payne matapos malaglag mula sa ikatlong palapag ng balcony ng kaniyang kwarto sa CasaSur Palermo Hotel, Buenos Aires, Argentina noong Oktubre 16.
Batay sa autopsy na isinagawa kay Payne, ang droga na ginamit umano ng British singer ay tinatawag na ‘pink cocaine’ kung saan naglalaman ito ng methamphetamine o shabu, ketamine, Methylenedioxymethamphetamine (MDMA) o ecstasy, Crack cocaine at benzodiazepine.
Sa nauna ng imbestigasyon ng mga awtoridad, nakita ang hinihinalang improvised aluminum pipe sa kwarto ni Payne na siya umanong ginamit ng British pop star para mag-ingests ng droga.
Nauna na ring iniulat na natagpuan sa kwarto ni Payne ang mga basag na gamit kung saan nakitang may nakapatong sa mesa nito na aluminum foil at lighter. Inilarawan naman ng Prosecutor ang nakitang substance bilang ‘narcotics at alcoholic beverages’.
Hinala naman ng mga lokal na awtoridad may isa umanong empleyado ng hotel ang nagbigay ng iligal na droga kay Payne. Hindi naman inaresto at hindi na binigyan ng kaukulang charges ang naturang indibidwal.