DAGUPAN CITY — Upang tiyakin na maaaprubahan ang iba’t ibang mga benepisyo para sa mga manggagawa ng lungsod.
Ito ani Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang kanyang dahilan sa pagbisita nito sa Sangguniang Panlungsod.
Sa kanyang mensahe, sinabi nito na naging prayoridad nito ang pagsiguro na maaaprubahan na ang matagal ng nakabinbin na mga gratuitous pay, Service Recognition Incentive (SRI), Terminal Leave Benefits, at iba pang incremental increases.
Noong kanya aniyang nalaman na wala silang ipinasang anumang Committee Report subalit mayroon namang manifestation na gagawin ay labis aniya siyang nag-alala. Maliban dito ay nagpahayag din ito ng pagnanais na malaman kung maisasakatuparan pa ang iba’t iba pang mga proyekto ng lungsod.
Samantala, sa kanya namang naging mensahe, inihayag ni Councilor Red Erfe Mejia ang kanyang saloobin sa hinihingi ng pamahalaang panlungsod na karagdagan pang pondo sa inaprubahan nilang supplemental budget na P1.3-billion.
Aniya na maraming kinakailangang ikonsidera bago ito tuluyang ilabas lalo na’t malaki ang ipupundar dito na karagdagang pondo.
Kaugnay nito ay kinatigan naman ng isa pa sa 7 Majority na si Councilor Irene Acosta-Lim ang naging pahayag ni Councilor Mejia.
Sa kanyang pahayag, sinabi nito na sobra-sobra ang hinihingi ng kasalukuyang alkalde na karagdagang pondo kahit pa hindi pa nauubos ang inaprubahan nilang supplemental budget para sa mga proyekto ng administrasyon ni Mayor Belen.
Aniya hindi biro at napakalaking halaga ang hinihingi mula sa kanila na P600-million para sa mga nakabibin na proyekto ng pamahalaang panlungsod. Kaya naman ay kinakailangan nilang mapag-aralan ng mabuti kung anu-ano nga ba ang mga proyekto na dapat iprayoridad.