ILOILO CITY – Kulong ang mister matapos sinaksak ang bagong kinakasama ng kanyang misis sa Barangay Bololacao, New Lucena sa Iloilo.
Ang biktima ay kinilalang si Joel Lorca, 40, ng Barangay Puyas sa Cabatuan, Iloilo, habang ang suspek naman ay si Marcelo Quilarto, 41, ng Barangay Bololacao.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Capt. Felix Aliansa Jr., hepe ng New Lucena Municipal Police Station, sinabi nito na naglalakad si Lorca at ang misis ni Marcelo na si Elen sa kanilang barangay.
Ayon kay Aliansa, dahil sa sobrang selos ay pinagplanuhan ng mister ang pagpatay sa itinuturing na kalaguyo ng kanyang misis.
Nang magkaroon ng pagkakataon, sinaksak ng mister ang kalaguyo ng kanyang misis sa tiyan gamit ang anim na pulgadang kutsilyo.
Napag-alaman na noong Abril pa naghiwalay ang mag-asawang Quilarto dahil hindi na umano matiis ng misis ang pananakit ng kanyang mister.
Sa ngayon patuloy na nagpapagaling sa ospital ang biktima at nahaharap naman sa kasong frustrated murder ang mister.